Sa ilalim ng nanghihinayang na buwan
Hayaan mong yakapin ko
Ang mga hiram na sandali
Dahil sa pagdating ng bukang-liwayway
Ay lalamunin ka na naman
Ng katotohanang
Ika’y hindi akin
At ang lahat ay nakaw lang
Halika…
Pagsaluhan natin ang iyong daing
Kasama ang magpinsang mura’t alipusta
Patayin mong parang langaw
Ang ang asawa mong kumag
Gamit ang matatalim na salita
Tahimik lang makikinig
Ang puso kong nakapinid
At ibubulong kong naiintindihan ko
Ang damdamin mo ngayong gabi
Halika…
Gamitin mo kong instrumento
Para sandaling makalimot
Ang dilim ang magsisilbing kumot
At mga kuliglig ang ating musika
Sa bawat dampi ng iyong mga labi
Masasabi kong ikaw ay akin
At sa bawat yakap at haplos
Ang lahat ay nagkakaroon ng kabuluhan
Hayaan mong ibaon ko ang init
At yakapin ang hiram na sandali
Dahil pagsapit ng bukang-liwayway
Matatapos na ang kabaliwan
Ihahatid na kita sa katotohanang
Ang lahat ay panaginip lang
Hanggang sa muli tayong
Palihim na magkikita…


