Archive for February, 2009

h1

Ikaw at ang DVD 2 – gat3keeper

February 25, 2009

Ikaw at ang DVD 2

“Baliw akong umasa
Na sana’y marining mo
Ang mahihinang tinig…”

Mga katagang naibulong
Habang pilit kinakatok ng antok
Ang damdamin kong nakapinid

Sapagkat sa paghimlay ko ngayong gabi
Sa kama ng panghihinayang at kalungkutan
Binalot ako ng malamig na kumot
Na pumalit sa iyong inosenteng yakap at hiling

Baliw akong nangarap
Habang pinanood ko ang mga lumang pelikula natin

Komedya…
Na kung saan umaalingawngaw pa rin
Ang mga tawanan at ngiti
Na para bang wala nang bukas

Aksyon…
Ang nagsilbing pang bulaga
Nang sampalin mo ko ng ilang beses
Dahil sa selos
At sabay walkout tungo sa kung saan

Drama…
Luha ? bakit pumatak
Ganun lang ba? Paano na nga ba?
Sapagkat ang mga mysteryo
Ay nasa likod ng mga salita at kataga
Na hindi ko mabasa

Kailangan ko ng subtitles…

At sa lahat ng iyan,
X-rated ang aking paborito
Sapagkat wala nang tutumbas
Sa mainit na dampi ng iyong labi
At haplos na gumagapos sa aking hubad na kaluluwa

Mawawala sa sarili…
Mawawala sa sarili…
Mawawala sa sarili…
Mawawala…

The End na tayo kaibigan
Pilit kong binubulong

Sapagkat nagising ako sa katotohanang
Pirata pala ang pelikula natin
Akala ko original…

Ayaw mo pala ng DVD
Bakit hindi mo sinabi?
Meron pa kong VHS at Betamax

The End na nga tayo!!!

Marahil tapos na ang aking kabaliwan
Eject na natin lahat…