Katahimikan…
Siguro’y napagod na ang hangin
Sa pakikinig ng malulungkot na litanya
Dahil ibinubulong na lang ng mga tala
Ang mga kataga
Sa ating mga tenga…
Ngunit, hindi tayo nakikinig…
At sa bawat pag kurap
Nagpapaalam ang inosenteng luha
Sa iyong mga mata
At didilaan ng hangin unti-unti
Ang bawat patak
Walang masasayang…
Ganito pa rin tayo
Tulad noon
At gaya ng kahapon
Bukas, uulitin lang natin ang dati
Walang katapusan… paulit ulit…
Marahil nagsasayang lang tayo ng oras
Wala naman dapat pag awayan
Pagod na rin ang mga kataga
Sa paglabas pasok sa ating mga bibig
At pagbangga sa ating mga tenga…
Umaga na pala
Kailangan mo nang umuwi
At sa kasal mo
Tititigan na lang kita
Mula rito…

