
Kalaro 2 – gat3keeper
July 14, 2006Ewan ko ba kung bakit sa ilalim ng nagtatakang buwan
Bumigay agad ako sa aking kahinaan
Naisipan kong huwag ng makipaglaro sa iyo
Ng larong patintero ng damdamin…
Alam ko na mahilig kang sumali’t
Pumasok sa mga teritoryong walang nagmamay-ari
At marahil manhid na rin ako sa mga sabi-sabi
Ng ibang mahilig maglaro sa paligid natin
Dumating ang sandali na ayoko nang maglaro
At pumayag ka naman na huwag na rin
Damdamin ko’y iniwas ko na nga sa iyo
Pinilit mo pa rin akong hanapin
Dahil nga ba sa pag-asa at ilaw
Ng kinabukasang maaaring may kasiguraduhan?
O di kaya’y panakip butas lang
Sa kanya o kung kanino man?
Siguro noon pa man ay gusto mo ng ibang laro
Sa tagal ng pinagsamahan natin, ngayon ko lang nalaman
Sa lagay ko ngayon, mahilig ka pala sa luksong tinik
Hindi mo sinabe, patintero sana ay hindi sinubukan
Sa pagbitaw mo ng mga katagang ikinukubli
Lumalabas ang katotohanang ako pala ang laging talo
Napakadaya mo pala
Niloko mo na nga ako
Pinaglaruan mo pa ang damdamin ko…
Wow nice one!
Madadalas ang dalaw ko.